Nung bata pa ko ang sabi ko sa sarili ko, magiging scientist ako. Haha! Ewan ko ba, pero simula pagkabata tuwang tuwa na ko sa mga kakaibang experiments ng Science. At hanggang ngayon naaalala ko pa na minsan sa buhay ko, pinangarap kong sundan ang yapak ng mga world-renowned na scientists na nakikita ko lng sa mga textbooks at encyclopedia noon – sila Curie, Einstein, Newton, Galileo at silang mga others na kung tawagin ay mamaw sa larangan ng agham. Hindi ko sigurado kung mararanasan kung maging isang siyentipiko kahit mnsan sa buhay ko, pero masarap na alalahanin na pinangarap kong maging alagad ng agham, at habang buhay kong  ipagmamalaki kahit kanino, hanggang sa mga mga kaapu-apuhan ko, ang mga 98 at 1.00 sa mga science subjects sa report cards at transcript of record ko  (haha, ang yabang!).

~.~

Minsan sa buhay ko (at kahit hanggang ngayon) pinangarap ko ring maging isang writer. Kapag lumaki kang kasa kasama ang sandamakmak na libro, imposibleng hindi mo makilala at hindi maging idol ng buhay mo ang mga pinakamalulufhet na writers ng mundo, na kahit matagal ng kinain ng lupa ang mga katawan ay patuloy pa ring binababasa ng mga bata at matatanda. At mas lalo sa panahon ngayon na kung sinu-sinung mga writers na ang lumalabas kung saan saan, mahirap bilanggin kung gaano kadami na ang mga manunulat na nakakapagiwan ng kani-kanilang inspirational stories at pananaw sa buhay. Pero sa kanilang lahat, hindi ko maaring makalimutan ang mga salita, aral at kwento na napulot ko kila Edgar Allan Poe, J.K. Rowling, Charles Dickens, Bob Ong, Paulo Coelho, Nicholas Sparks, John Grisham at Dan Brown.

Writing is a form of free expression. Para saken,  hindi importante kung gaano kahusay ang writing skills mo, kung gaano kalalim ang vocabulary mo, kung gaano ka katinik sa grammar,  o kung ilang seminars at workshops sa Creative Writing ang nakuha mo. At mas lalong hindi ganun kahalaga kung gaano karami ang maiimpluwensyahan ng mga sinulat mo. Hanggat nagagawa mong sabihin ang nasasaloob mo sa pagagamitan ng pagsusulat, pwede mo nang tawagin ang sarili mong isang writer, at mangarap na balang araw, kahit papano, na mababasa ng mas maraming tao ang kung anu man ang tumatakbo sa loob ng utak mo.

~.~

Kasama sa mga pangarap ko nung bata ang maging isang anime character. Haha! Nakakatawa pero sigurado ako na majority sa mga tao ang nangarap na maging katulad ng mga favorite anime o video game character nila, kahit saglit lang sa tanang buhay nila. Hindi ko matandaan kung sinu sinu ang mga pinangarap kong maging katulad noon, pero kung nakapulot siguro ako ng magic lamp at nagkaron ng three wishes dati, malamang nasabi ko sa Genie ang lines na katulad neto:

“Genie, gawin mo kong si Son Goku!”

At biglang lumaki ang mga muscles ko, tumayo ang mga buhok ko, at ako ay naging isang Super Saiyan. Kame…hame..wave!!!

~.~

Ewan ko kung anu ang pumasok sa isip ko pero minsan binalak kong mag-aral ng Law. Siguro sa kakabasa ko ng mga libro ni John Grisham at sa pag-uudyok ng makulit na professor ko sa Eco (na sobrang bilib ata sken, idol ata ako haha) sumagi sa isipan ko na sumabak sa Law School. Nagresearch ako kahit papano, pero narealize ko ren kagad na hindi para saken ang propesyon na yun. Hindi ako masipag mag-aral,  at ayokong masayang ang oras at pera ng mga nagpapaaral saken para sa mga bagay na hindi ko nman talaga kaylangan. Magaling lang ako makipagtalo at makipagargumento sa mga kung anu anong issues at kadramahan ng mundo, pero ang maging isang lawyer, ay nasa dulo pa talaga ng priority list ko.

~.~

Pangarap kong maging isang Teacher. Isa talaga ang pagtuturo sa mga bagay na inaasam kong gawin, at hindi ako papayag na mabura sa mundo hanggat hindi ko natutupad ang pangarap na to. Lumaki akong batid ang kahalagahan ng edukasyon sa sibilisasyon ng tao, at dakila ang tingin ko sa mga teachers na sa kabila ng mababang compensation at kakulangan ng benefits , ay nananatili pa ring tapat sa propesyon ng pagtuturo. Kung tutuusin, sapat ang units ng Education sa TOR ko para pumasok sa academe. At marami talaga sa mga nakakakilala sken ang nagpapapansin (haha!) at tumatawag skin ng Sir *insert my real surname here*! Pero sa tingin ko, hindi pa ito ang tamang oras para sa mga bagay na yan . Marami pa kong dapat matutunan, at darating din nmn tayo jan.

~.~

Kung itatanong mo sakin kung pinangarap kong maging isang Game Master, magiging kalokohan naman yata kung sasabihin kung hindi. Pero hindi ko ren talaga masyadong matandaan kung anung klaseng pag-aambisyon ba ang ginawa ko noon, pero sure akong hindi naman ako nagpakaOA para magsimba sa Quiapo araw-araw at magdasal sa kung kani-kaninong santo para lang makapasok sa e-Games GM Team. Ang meron lang sakin noon ay lakas ng loob at yung drive na subukang pasukin ang isang bagay na alam ko sa sarili kong gusto ko talagang gawin. Kaya dala dala lang ang experience sa paglalaro ng sandamukal na online games at ang kakaunting information na nakalap ko kakaserch sa intarnet, nag-apply ako at sumabak sa intarbyu , at kahit tensyonado dahil first job interview yun, dahil sa tulong ng araw-araw na pagsisimba sa simbahan ng Quiapo at sa awa ng mga sinu sinung santo na pinagdasalan ko, natanggap ako. hehe!

Sabi ni Carlo ( yes, may special mention sya dito! ) pangarap daw ng bawat online gamer ang maging isang GM. Ewan ko kung paniniwalaan ko yun. Siguro karamihan pa rin sa mga gamers ang nahihiwagaan sa misteryosong buhay ng GMs. Pero kahit pa sabihin mong nagtatrabaho ka isang gaming company, at ang pagfafacilitate ng events (o paglalaro) ay part ng job description mo, kailangan mo paring iwagayway ang bandila ng professionalism sa lahat ng oras na bitbit mo hindi lang ang pangalan mo, kundi pati ang kompanya na pinagtatrabahuhan mo . Dahil ang pagiging isang GM ay hindi isang laro, kung hindi isang trabaho, na dapat sinerseryoso. *insert emo effect here*

~.~

Kung susubukan mong balikan ang mga pangarap mo sa buhay simula ng bata ka pa, siguradong hindi lang isang klase ng daan ang pinangarap mong tahakin, at lalong hindi mo mapagkakasya sa isang statement lang, ang depinisyon ng tunay na kasiyahan sa buhay. Kanya-kanyang layunin sa buhay, kanya-kanyang ambisyon, kanya-kanyang trip. Pwede kang mangarap at gawin ang lahat ng makakaya mo para maabot yun, pero marerealize mo ren na hindi lahat ng ginusto mong maging at ginusto mong mangyari sa buhay mo ay dapat at kailangang mangyari. Merong mga ambisyon na hindi natutupad, at may mga pangarap na kelangang maglaho.

Pero libre lang naman ang mangarap, at hindi ka sisingilin ng buhay para sa bawat pangarap na gagawin mo. Swerte mo kung nangyayari sa buhay mo ngayon kung anu man yung pinangarap mo dati,   pero matupad man o hindi ang mga pinangarap mo, ang mahalaga sa huli, naranasan mong maging tao, natuto kang mangarap at natuto kang tanggapin na hindi lahat ng mga pangarap ay nagiging totoo.

#

[Kahit kelan hindi ko pinangarap na maging isang doctor, nurse, politiko, bumbero, kartero, karpintero, barbero. At mas lalong hindi ko inambisyon na maging isang pokemon, maging isang Power Ranger, maging presidente ng United States, o maging isang international punk star.]

Advertisements